Pautang sa OFWs pinatigil ng OWWA

Ipinatitigil na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang umiiral na pautang o pre-departure loans na ibinibigay nito para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) bunga ng pagkalugi ng tinata­yang P70-milyon na hindi nabababayaran.

Ipinaliwanag ni Labor Secretary Marianito Ro­que na humantong sa desisyong suspendihin ang nasabing “OWWA assistance” dahil sa hindi pa nahahabol na koleksiyon o hindi binabayarang utang ng OFWs.

“I decided to suspend it kasi nga puro utang walang nagbabayad, so nalulugi kami,” ayon kay Roque.

Aniya, may nakalaan sanang P100-milyon para sa nasabing programa subalit nang lumobo sa P70-milyon ang hindi na­ibabalik sa ahensiya ay minabuting huwag mu­nang ituloy ang pagpa­palabas ng pera at sika­ping habulin ang matagal nang hindi nagsisibayad na OFWs.

Nailabas na umano ng ahensiya ang P70-milyon ngunit nasa 30 porsyento pa lang sa mga umutang ang nabayaran kaya uma­apela sila sa mga co-makers na bayaran ang mga inutang.

Ikinakatwiran pa uma­no ng mga nangutang na hindi sila magbabayad dahil may binabayaran naman silang $25 na membership fee tuwing magre-renew ng kontrata kaya pera din umano nila ang ipinapautang.

“Ang sabi nila pera din naman daw ‘yan ng OFWs, kinokolekta sa kanila yung $25 kaya bakit pa sila magbabayad,” sinabi ni Roque.

Tinatayang 2,000 hang­ gang 3,000 na OFWs ang napapaalis araw-araw at mula sa mga ito ay nakaka­kulekta ng $75,000 o ka­tumbas na P3 million kada araw. (Ludy Bermudo)

Show comments