Naglagak ng piyansa sa Batangas Regional Trial Court si dating Justice secretary Hernando Perez para pansamantalang makalaya kaugnay ng kasong kinasasangkutan sa Sandiganbayan.
Ayon kay Manuel Torio, deputy Sandiganbayan Sherif, naipagbigay alam sa kanila sa Sandiganbayan na si Perez ay nagpiyansa ng halagang P30,000 kay Batangas RTC Judge Ruben Galvez alas-3 ng hapon kahapon.
Ang pagpipiyansa ni Perez ay kasunod ng ginawang pagsisilbi naman ng team ng anti-graft court ng warrant of arrest laban kay Perez at asawa nito sa kanilang bahay sa QC pero ang katulong lamang ng mga Perez ang nadatnan doon ng mga awtoridad. Ang kaso ay may kaugnayan sa $2-million extortion case na isinampa laban dito ni dating Manila Representative Mark Jimenez. Kasama sa kaso ang asawa nitong si Rosario at brother-in-law na si Ramon Arceo na una nang naglagak ng piyansa sa korte.
Gayunman, makaraang maglagak ng piyansa si Perez sa Batangas court, isa pang warrant of arrest ang inisyu kahapon ng Sandiganbayan laban dito na may kaugnayan naman sa kaso nitong falsification of public document.
Apat na kasong kriminal ang naisampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan noong Abril 18 laban kay Perez, asawa at bayaw nito dahil sa kasong robbery/extortion habang si Perez ay may dagdag na kasong graft at falsification of public documents. (Angie dela Cruz)