People Power vs power rate hike

Nagbanta kahapon ang isang malaking grupo ng mga maralitang taga-lungsod na magdaraos sila ng mas malaking rally katulad ng “people power” kapag hindi sineryoso ng Malacañang ang pagbusisi sa mga anomalya sa National Po­wer Corporation na dahilan kung bakit nagba­badyang tumaas ang halaga ng kuryente.

“Siyasatin ang mga anomalya sa National Power Corporation,” Ito ang panawagan sa Ma­lakanyang ng grupo ng mga mararalita na nag­tungo sa tang­gapan ng NAPOCOR sa Que­zon City  para ihayag ang kanilang galit. 

Kinondena ng grupo ang anila’y talamak na katiwalian sa NAPOCOR katulad ng “overpriced” na halaga ng coal at iba pang pagsasamantala ng mga mataas na opisyal ng ahensya. “Iyan ang dahi­lan kung bakit nagdurusa ang mama­mayan sa ma­taas na presyo ng elektrisidad,” anang  grupong Alter­natibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan at COALition. Ang mga katiwalian sa loob ng ahensiya ang isa sa mga dahilan kung bakit biglang tumaas ng 67 sentimo ang buwanang bayad sa kuryente.

Malaking scam anila ang pagbili ng karbon (coal) ng Napocor na panggatong ng ilang power plant sa bansa tulad ng Masinloc at Pagbilao power plant sa Luzon.

Nagwarning ang grupo na mas malalaki pang kilos-protesta ang idaraos nila hindi lang sa NAPOCOR kundi sa ibang  ahensya ng pama­ha­laan kapag hindi naresolba ang problema sa halaga ng kuryente bunga ng katiwalian. (Angie dela Cruz)

Show comments