Pinabulaanan kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr. na talsik na sa listahan ng mga contenders na papalit sa kaniya sa puwesto si NCRPO Chief Director Geary Barias, ito’y sa gitna na rin ng diumano’y maagang pagla-lobby ng mga contenders sa PNP Chief sa Palasyo ng Malacañang.
Nilinaw ni Razon na walang katotohanan at pa-wang mga espekulasyon lamang na tinanggal na ng liderato ng PNP sa listahan ng mga nominee ang pangalan ni Barias para maging successor niya.
Si Razon ay nakatakdang magretiro sa darating na Setyembre 27 na kanyang ika -56 taong kaarawan na mandatory age retirement.
Alinsunod sa “law and rules of succession,” sinabi ni Razon na maaaring makapamili si Pangulong Arroyo ng susunod na PNP Chief sa hanay ng mga opisyal na may ranggong mula Chief Superintendent, Director at Deputy Director General.
Kabilang naman sa malakas na contenders sa puwesto sina Deputy Director Generals Jesus Ver zosa, PNP Deputy Chief for Administration, Emmanuel Carta, Chief ng PNP Directorial Staff at Ismael Rafanan, Chief ng PNP Community Relations.
Nilinaw naman ni Razon na handa na siyang magretiro at walang planong humirit pa ng ekstensyon dahil hindi ito makakabuti sa organisasyon ng PNP kung saan marami namang mga opisyal ang kuwalipikado at naghihintay na pumalit sa kaniya sa pu-westo. (Joy Cantos)