Inaprubahan ng US Senate sa botong 96-1 ang Veterans Benefits Enhancement Act of 2007 na magtataas ng benepisyo ng mga Pinoy War veterans.
Sa ilalim ng Veteran’s Benefits Enhance Act of 2007 kung saan ay nakapaloob ang Filipino Veterans Equity bill, ay tatanggap ng $300 monthly pension sa US government ang mga Pinoy veterans na narito sa Pilipinas bukod sa tatanggaping benepisyo mula sa ating gobyerno. Mula naman sa $900 ay itataas sa $1,400 ang monthly pension ng mga Pinoy veterans na nasa Amerika kapantay na sa tinatanggap ng mga US veterans.
Nagpapasalamat naman si Pangulong Arroyo sa pagpasa ng panukalang batas. Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, matagal na ring nakabinbin sa US Senate ang Filipino Veterans bill kaya umaasa si Pangulong Arroyo na makakalusot na rin ito sa debate sa US House of Representatives.
Wika pa ni Sec. Bunye, natalakay nina Pangulong Arroyo at US President George W. Bush sa kanilang pagkikita sa APEC meeting na ginanap sa Singapore ang nasabing panukala.
Nakatakda itong pagdebatihan sa US House of Representatives at kapag pumasa ay ipapadala na ito kay US Pres. George Bush upang pirmahan para maging ganap na batas.
Siniguro ni Pres. Bush kay PGMA na suportado niya ang Filipino Veterans bill at kapag pumasa na ito sa US Congress ay agad nilang pipirmahan ito.
Kabilang umano sa mga nagsulong ng pagpasa ng panukala sa Amerika sina US Senator Daniel Akaka, na nag-sponsor ng bill, Sen. Daniel Inouye at Rep. Bob Filnes.
Ipinagmalaki naman ni Sen. Richard Gordon na siya ang nagtulak para sa pagpasa ng Senate Bill 142 na mag-aamiyenda sa Section 10 ng Republic Act No. 6948 o mas kilala sa tawag na “An Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents.”
“We can only be honored to have played a part in securing what may be final victory for our aging veterans. The US Senate’s passage of the Veterans Benefits Enhancement Act of 2007 finally settles a 60-year old question of honor and justice long denied to our veterans who are mostly now in their eighties. Certainly, the expected benefits will provide comfort in their waning years, but what matters really is the American government’s recognition of their heroism, valor and sacrifice,” ani Sen. Gordon.
Ilang beses na nabanggit sa mga debate sa US Senate ang RA 6948 kung saan napo-forfeit ang pensiyon na ibinibigay ng Philippine government kung may kahalintulad na pensiyon na ibinibigay ang US government.