Sinuspinde ng anim na buwan ng tanggapan ng Ombudsman ang pitong matataas na opisyal ng Bureau of Customs dahil sa iba’t ibang kaso.
Ipinag-utos ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang pagsuspinde kay Gregorio Magat, customs operations officer V na nakatalaga sa Bureau of Customs Manila; asawa nitong si Nieves, executive assistant IV ng Dept of Finance at Victor Barros, special agent II, nakatalaga rin sa BOC, Port of Manila dahil sa umano’y pagtataglay nila ng yaman na hindi akma sa tinatanggap nilang sweldo. Kasong dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service ang mga kasong isinampa laban sa mag-asawang Magat.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, wala ni isang isinumiteng Statements of Assets and Liabilities Networth (SALN) si Magat mula nang magserbisyo ito sa gobyerno noong 1976 hanggang 2005. Si Nieves ay nagsumite lamang ng kaniyang SALN para sa taong 1992, 1993, 1995 hanggang 2005 lamang. Ilan sa mga ari-ariang hindi idineklara ng mag-asawa ay dalawang bahay at lupa sa Paranaque city at Ayala Alabang sa Muntinlupa City, at isang 2005 Isuzu Crosswind.
Sa kabila naman ng taunang kita ni Barros na P125,304 lamang, lumalabas na nagtataglay ito ng kabuuang P10,703,000 na ari-arian mula 1981 hanggang 2002 o 4 bahay at lupa, 8 sasakyan, 2 pang bahagi ng lupain at dalawang apartment.
Ipinag-utos din ng Ombudsman ang suspension laban kay Dep. District collector Priscilla Cordova ng BOC Port of Subic makaraang hayaan nito ang pagpuslit ng 16 luxury vehicles palabas ng Subic Bay Freeport zone kahit pa hindi ito nagbayad ng kaukulang buwis.
Sinuspinde rin sina Dionisito Valles, customs examiner; Nicolas Bejar, principal examiner at Virgilio Vergara, principal appraiser, pawang mga nakatalaga sa formal entry division ng BOC Manila dahil nagsabwatan umano para mailabas ang isang kargamento. (Angie dela Cruz)