Upang mabantayan ang ginagawang paggastos ng Philippine National Police (PNP) sa pondo nito, bumuo ng isang Oversight Committee ang National Police Commission (Napolcom) na magmo-monitor sa proseso ng pagbili ng mga kinakailangang gamit ng kapulisan, ayon na rin sa nakasaad sa ilalim ng Government Procurement Reform Act.
Sa isang en banc resolution na inaprubahan ni Napolcom Chairperson at DILG Chief Ronaldo Puno, itinalaga bilang mga miyembro ng komite sina Commissioner Miguel Coronel, DILG Assistant Secretary Oscar Valenzuela at Napolcom Installations and Logistics Service Director Conrado Sumanga, Jr.
Babantayan ng komite ang lahat ng pagbili ng PNP at ibang gastos at rerebisahin ang mga dokumento sa pagbibigay ng PNP Purchase Contract na aabot sa halagang P500 milyon pababa bago ibigay ang “Notice to Proceed” sa nanalong bidder.
Isusumite naman ng komite ang lahat ng kanilang rekomendasyon sa Napolcom. Ang rekomendasyon ng komite ang magiging basehan ng pag-iisyu ng “PNP purchase contract” ni Sec. Puno para ituloy ang transaksyon.
Inatasan rin ng Napolcom ang PNP na isyuhan ng kopya ng lahat ng dokumento sa pagbili ang komite upang epektibo nitong maisagawa ang kanilang tungkulin.
Layunin ng pagbuo ng komite na masiguro na walang mangyayaring pangungurakot at maiwasan ang mga kontrobersya tulad ng mga nakaraang isyu sa pondo sa posas at pagpapaganda sa PNP Headquarters. (Danilo Garcia/Rose Tamayo-Tesoro)