Isang mistah ni Philippine National Police Chief Director Gen. Avelino Razon Jr. ang napapabalitang inihahanda ngayon pa lamang upang pumalit sa kanya kapag nagretiro siya sa Setyembre.
Usap-usapan sa Camp Crame na ang klasmeyt ni Razon na si Deputy Director Gen. Emmanuel Carta ang maaaring pumalit sa kanya bilang PNP chief.
“Ito ay possible katulad nang nangyari sa magklasmeyt na sina Ping Lacson at Edgardo Aglipay na kapwa magkasama sa Class 71. Pareho silang naging PNP chief,” ayon sa isang insider.
Ayon sa source sa PNP, ang Class 61 ay nagkaroon din ng dalawang PNP chief, ang yumaong si Gen. Cesar Nazareno at Gen. Umberto Rodriguez. Si Nazareno ay naging PNP chief sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Si Gen. Rodriguez ay naging PNP chief pagkatapos na magretiro si Gen. Raul Imperial, na pumalit kay Nazareno.
Ang usapang maaaring palitan ni Carta si Razon ay lumutang matapos sabihin ni Razon na “it’s not always the case that the number 2 man will replace the chief.”
Marami ang nagsasabi na ang binitiwang salitang ito ni Razon ay endorsement kay Carta. Ayon sa source, si Carta, ang deputy chief for operations at No. 3 sa pinakamataas sa PNP, ay nagbigay umano ng interes upang maging PNP chief.
“Si Carta ay pinakakwa lipikado dahil maganda ang kanyang track record. Bukod dito, siya ang sinusuportahan ng PMA Class 1974. At dahil si Razon ang kanyang backer, baka siya na nga ang mapili,” wika ng isang senior police office na ayaw magpakilala.
Si Carta ay pumalit sa posisyong iniwanan ni Gen. Reynaldo Varilla na nagretiro sa edad na 56. Si Carta ay dating director ng Police National Training Institute. (Joy Cantos)