Labanan ng 4 police generals umiinit na

Bagaman sa darating sa Setyembre pa ang pagreretiro ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino “Sonny” Razon Jr., nagsisi­ mula nang uminit ang laba­nan ng apat na heneral na nag-aagawang masung­kit ang posisyon nito bilang susunod na pinuno ng pambansang pulisya.

Maugong na ang balita sa loob PNP headquarters sa Camp Crame sa mga kandidatong mambabatas na opisyal at pinag-uusa­pan ng mga pulis kung sino ang susunod na PNP chief kapalit ni Razon.

Ang mga ordinaryong pulis ay may kanya-kan­yang kandidato kung sino ang karapat-dapat sa posis­yon. Ito ay binabatay nila sa sa seniority, kwalipikasyon, kakayahan at political backing.

Apat ang pinagpipilian na pumalit kay Razon, sina Deputy Director Gen. Em­manuel Carta, Deputy Director General Jesus Ver­zosa, Deputy Director General Ismael Rafanan, at National Capital Regional Police Office Chief Director Geary Barias.

Marami ang nakapansin na ang sinabi ni Gen. Razon na “it’s not always the case that the number 2 will replace the chief” ay isang endorsement sa kanyang ‘mistah’ na si PDDG Emmanuel Carta na kasalukuyang pangatlo sa pinakamataas na posisyon sa PNP.

Sina Razon at Carta ay kapwa kabilang sa PMA Class ’74. May nagsabi na walang tatalo sa samahan ng mga mistah. 

“Ito ay posible. Sigurado na matutuwa si Gen. Razon na isang kaeskuwela niya ang papalit sa kanya. Kung ganito, mauulit na naman ang kasaysayan,” ayon sa source. Sina Ping Lacson at Edgardo Aglipay ay kapwa miyembro ng Class ’71 at pareho silang naging PNP chief.

Ngayon pa lamang, ang mga supporter ni Carta ay ipinapakita na siya ay isang no-nonsense leader na may kakayahang ipagpatu­loy ang nasimulan ng kan­yang mistah.

Kung ranggo ang pag-uusapan, si PDDG Jesus Verzosa ang No. 2 sa PNP. Siya ay itinuturing ng mga pulis na may kakayahan at kwalipikado at nagpapatu­pad ng reporma sa loob ng PNP.

Isa pang PNP official na tinaguriang “darkhorse” sa pagiging PNP chief ay si PDDG Rafanan, na kapo-promote pa lamang bilang PNP Chief Directorial Staff, ang No. 4 na posisyon sa PNP. Ang kanyang bagong posisyon ay nagpalakas ng kanyang tiyansa upang maging PNP chief. Ang kanyang mga ginagawang miting ng directorial staff ay isang patunay na nagna­nais siyang maging susu­nod na PNP chief.

Bukod sa tatlong Police Deputy Director General, si Police Director Barias ay sinasabing may ambisyon din na maging PNP chief. Ipinakita na niya na siya ay isang mahusay na crisis manager at leader.

“Mahigpit ang laban ngayon, mas mahigpit pa noong 2006 at 2007. Pero sa huli, ang desisyon ay nasa Malacanang pa rin,” wika ng isang opisyal.

Ang National Police Commission ay magsusu­mite ng listahan sa Pangulo na naglalaman ng mga opisyal batay sa order ng kanilang seniority upang maging basehan ng pipiliing susunod na PNP chief. (Butch Quejada)

Show comments