Bagaman marami ang suplay ng manok sa bansa sa kasalukuyan, aminado ang mga magmamanok na mabagal ang paglago ng kita nila lalo na ngayong summer season.
Ito ayon kay Gregorio San Diego Jr., presidente ng United Broiler Raisers Association (UBRA) at Philippine Eggboard ay bunsod ng masyadong mainit na panahon na nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa mga manok.
Kabilang aniya sa mga sakit na posibleng tumama sa mga manok ay heat stroke at respiratory diseases.
Dumaranas umano ang mga manok ng paghingal o kakapusan sa paghinga dahil sa sobrang init hanggang sa puntong mawalan na ng ganang kumain ang mga ito, manghina ang katawan hanggang sa tuluyang mamatay.
Sa industriya naman ng itlog, dumaranas din aniya sila ng mabagal na kita dahil sa bentahan nila rito sa mas mababang halaga o bagsak presyo dahil sa sobrang produksyon.
Tumaas anya sa 58 percent ang produksyon ng itlog ngayong taon dahil sa mga idinagdag nilang mga sisiw sa mga nakalipas na panahon. (Angie dela Cruz)