Sinimulan na ng National Food Authority (NFA) ang pagbabawas sa ditribusyon ng bigas sa ilang lungsod ng Kalakhang Maynila kahit pa man idineklara ng pamahalaan na may sapat ng suplay nito sa bansa.
Unang sinampolan kahapon ng NFA ang tatlong naglalakihang NFA rice outlets sa Pasay na nasa Taft Avenue kung saan binawasan ng kalahati ang alokasyon dito ng bigas ng NFA.
Nabatid na ang mga outlets na nabanggit ay dating regular na tumatanggap ng 100 cavan ng NFA rice kada-linggo, pero mula ng nagkaroon ng krisis sa bigas ay ginawa na lamang 50 cavans ngayon.
Nitong Martes, ang nasabing mga NFA outlets ay tumatanggap na lamang ng lima hanggang pitong sako bawat pwesto na naging dahilan upang limitahan ang volume ng ibinebentang bigas sa 1-kilo sa dating 2-kilo bawat mamimili.
Kasabay nito, nabahala ang isang grupo ng magsasaka sa masamang epektong idudulot hinggil sa desisyon ng pamahalaan na alisin ang rice import ban na maaaring magtulak sa mga magsasaka na umangkat na lamang ng bigas sa halip na magtanim ng palay.
Napag-alaman na bagama’t makatutulong ang pagbaha ng imported rice sa pamilihan upang mapababa ang presyo ng palay, ayon kay Jimmy Tadeo, pinuno ng isang grupo ng magsasaka sa bansa na magiging dahilan din ito na bumagsak ang farmgate prices at ang halagang ibinabayad ng mga mangangalakal sa magsasaka.
Umaasa naman ang grupo ni Tadeo na pansamantala lamang ang pag-alis sa rice import ban kasabay ng mungkahi na pag-ibayuhin na ng pamahalaan ang programa sa pagsasaka.
Iginiit pa ni Tadeo na mas makabubuting pag-ukulan ng malaking pondo ng pamahalaan ang mga proyekto sa irigasyon, farm-to-market roads, at support services na magpapalakas sa kakayahan ng bansa na mag-produce ng bigas at hindi na kailangang umasa sa pag-aangkat. (Rose Tamayo-Tesoro)