Dapat umanong higpitan ng gobyerno ang pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa gitna ng napipintong pagbitay sa Pinay helper na si May Vecena na sinasabing pumatay sa kanyang 6-taong gulang na alaga at pagsaksak sa dalawa pang nakatatandang kapatid ng biktima noong Enero 2007.
Sinabi ng Kalihim na dapat salain ang mga Pinoy workers bago sila ipadala sa ibang bansa upang ma ging handa sa naiibang kultura na kanilang kakaharapin.
Ito ay dahil sa kadalasan umanong dumaranas ng culture shock ang mga OFW dahil sa kawalan ng kahandaan para makapag-adjust sa kanilang mga panibagong sitwasyon kaya nasasangkot sa krimen.
Kaya sa sandali naman umanong magkasala ang mga ito ay nagiging pabigat na ang isang OFW sa gobyerno.
Inihalimbawa nito ang naunang sinentensiyahang mabilanggo sa mga bansa sa Middle East kung saan ipinadala pa ng DOJ si Chief State Prosecutor Jovencito Zuno upang makapagbigay ng legal assistance sa kinasuhang Pinoy.
Subalit pagdating daw sa Middle East ay nahihirapan din ang gobyerno dahil sa kakaibang legal system na pinaiiral ng mga dayuhan. (Gemma Amargo-Garcia)