Iginiit kahapon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magpatupad ng “price control” ang pamahalaan sa presyo ng bigas sa bansa.
Ayon kay KMP Chairman Rafael Mariano, ito ay upang maiwasan ang pagsasamantala ng ilang negosyante sa presyo ng bigas.
Sinabi ni Mariano na dapat gawing P25 ang price ceiling ng bigas sa merkado ng sa gayon ay mapigil ang anumang balak na imanipula ang presyo ng bigas.
Gayundin, hiniling ng KMP na maitaas sa P15 kada kilo ang presyo ng palay mula sa dating P12 kada kilo para kumita naman ang mga magsasaka.
Samantala, nanawagan naman sa Kongreso ang KMP na isailalim sa imbestigasyon si Agriculture Secretary Arthur Yap dahil sa umano’y posibleng pagkakasangkot nito sa anomalya sa bigas.
Ito ay dahil sa pagka bigo ni Yap na umaksiyon sa napaulat na pagpapalit ng NFA rice sa Isabela, Cebu at Cagayan de Oro.
Bago naging DA Secretary, naging NFA administrator muna si Yap. (Doris Franche)