Dadalhin ng mga obispo ang rally ng mga kabataan para sa “truth and accountability” sa iba’t ibang lalawigan pagkatapos ng Holy Week.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, isa umano itong indikasyon na hindi nila tinatalikuran ang kanilang panawagan na ilabas ang katotohanan bunsod na rin ng kontrobersiya sa NBN-ZTE deal.
Aniya, ang kabataan ang siyang nanguna sa rally noong Biyernes kaya mas dapat ding maging ang mga nasa ibang bansa ay makalahok sa kanilang panawagan ng katotohanan. Marami sa mga kabataang nasa ibang lalawigan ang nais na sumama sa rally subalit hindi makadalo dahil na rin sa ilang rason.
Pinatunayan umano ito ni ZTE witness Rodolfo Noel Lozada Jr. nang magtungo ito sa Iloilo kung saan naging mainit ang pagtanggap ng mga tao. Una nang sinabi ng Malakanyang na balewala umano sa mga tao ang ginawang pagbubunyag ni Lozada sa broadband deal.
Sinabi ni Cruz na bagama’t hindi nakadalo sa rally noong Biyernes ang mga Obispo dahil na rin sa hindi maiiwasang dahilan, sisiguraduhin naman nilang makakalahok sila sa provincial rally para sa “truth and accountability” na pangungunahan ni Lozada. (Doris Franche)