Binawian na ng buhay matapos atakihin sa puso ang isa sa mga nahatulan sa kasong pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at Rolando Galman noong 1983.
Kinumpirma kahapon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda- Acosta ang pagkamatay ni Sgt. Mario Lazaga, dakong alas 7:15 ng umaga sa loob ng infirmary ng New Bilibid Prison (NBP). Si Lazaga ay kasama sa 12 pang iba na nahatulan sa Aquino-Galman double murder case at kasalukuyang nakabinbin pa sa Board of Pardon and Parole ang apela nito para sa executive clemency.
Noong Nobyembre ay binigyan ng pardon ni Pangulong Arroyo ang isa pang nahatulan na si M/Sgt. Pablo Martinez matapos umabot ito sa edad na 70.
Dalawa pang kasamang sundalo ni Lazaga ang nasawi bago pa nakalabas ng kulungan noon si Martinez. Dahilan dito kaya umaasa pa rin si Acosta na ang natitira pang 12 sundalo sa kulungan na mayroong malalang sakit ay kaagad na mapalaya sa bisa na rin ng executive clemency. (Gemma Amargo-Garcia/Lordeth Bonilla)