Ikinasa na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang ipatutupad na security measures upang matiyak ang peace and order kaugnay ng paggunita sa Semana Santa sa susunod na linggo.
Sinabi ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., mahigpit na seguridad ang ipatutupad sa mga terminal ng bus, daungan at paliparan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang mga biyahero sa mga lalawigan sa Mahal na Araw.
Babantayan din ang bisinidad ng mga simbahan na dinarayo ng mga tao sa tuwing sasapit ang Semana Santa. Pag-iibayuhin rin ang police visibility, checkpoints hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa lahat ng itinuturing na lugar na destinasyon ng mga turista dahil sa mahabang bakasyon sa trabaho at eskuwelahan.
Sinabi ni Razon na bagaman wala naman silang natatanggap na banta ng terorismo sa Semana Santa ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras upang hindi makapagsamantala ang masasamang elemento.
Nabatid na maglalagay rin ang PNP ng mga Public Assistance booths sa kahabaan ng national highway at magpapatrulya sa mga residential area upang bantayan naman ang lugar laban sa mga akyat-bahay. (Joy Cantos)