Tila si Senator Panfilo Lacson ang nasorpresa matapos bumaligtad at mag-iba ng testimonya ang kanyang “surprise witness” na si ZTE technical consultant Leo San Miguel na iniharap niya kahapon sa hearing ng Senado kaugnay ng naudlot na NBN-ZTE deal.
Nabigla si Lacson nang lumihis ang pahayag ni San Miguel taliwas sa inaasahan ng mga senador na kukumpirmahin nito ang naunang pahayag ng testigong si Dante Madriga na nagkaroon ng advance kickbacks na $41 milyon ang First Couple at iba pang opisyal ng gobyerno na nakaladlad sa maanomalyang NBN-ZTE deal.
“I was not aware whatsoever. I am not confirming or denying anything. I don’t have any direct knowledge,” sagot ni San Miguel nang tanungin ni Lacson kaugnay sa kickbacks.
Ayon kay Lacson, nabigla siya sa mga binitiwang pahayag ni San Miguel na nakausap pa umano niya noong Lunes ng alas-11 ng gabi dahil kabaligtaran umano ito ng kanilang pribadong pag-uusap.
Inamin ni San Miguel na kinuha siya ni ZTE vice-president Yu Yong bilang technical consultant para sa broadband project, pero ikinatuwiran na limitado sa technical issues ang alam niya sa ZTE at walang kinalaman sa mga “advances” ang kanyang transaksiyon.
Pinabulaanan din ni San Miguel ang aku sasyon ni Madriaga na miyembro siya ng sinasabing “Greedy Group” na kinabibilangan nina businessman Ruben Reyes, dating Comelec chairman Benjamin Abalos at retired police general Quirino dela Torre.
Sa pagtatanong naman ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada, inamin nito na si Ruben Reyes ang taong may contact sa ZTE.
Hindi sumipot sa hearing si Reyes na nagpadala na lamang ng isang sulat kung saan sinabi niyang kasalukuyan siyang nasa China.
Sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Blue-Ribbon Committee na kukumpirmahin niya sa Bureau of Immigration kung umalis sa bansa si Reyes bago pa man niya matanggap ang subpoena na ipinadala ng Senado.
Sinigurado naman ni Sen. Mar Roxas na hindi maapektuhan ang kredibilidad ng Senado kahit pinaniniwalaang bumaligtad sa kanyang inaasahang testimonya si San Miguel.
Pero tumanggi si Roxas na magbigay ng reaksyon kung sino sa dalawa (Madriaga at San Miguel) ang nagsasabi ng totoo.
Samantala, iginiit naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang tuluyang kanselasyon ng buong ZTE deal.
Ipinunto ni Escudero na ang national broadband network deal ay isa lamang sa mga proyektong pinasok ng gobyerno sa ZTE.
Dahil sa hindi umano pagsasabi ng totoo at pagbaligtad ng sinasa bing “surprise witness,” iginiit ni Lacson na i-contempt ito ng Senado at ipakulong dahil sa pagsisinungaling.