Hindi pa rin maaaring arestuhin ng Senado si CHED Chairman Romulo Neri kahit na nagpalabas ng compromise agreement ang Korte Suprema.
Sinabi ni Atty. Midas Marquez, spokesman ng Supreme Court (SC) na hanggang hindi natatanggal ang status quo ante order na inisyu ng Mataas na Hukuman ay hindi pa rin ito pwedeng dakpin.
Iginiit pa nito na sakaling dumalo si Neri sa pagdinig ng Senado kaugnay sa maanumalyang NBN-ZTE contract ay maari nitong igiiit ang kanyang executive privilege kung sa tingin nito ang mga tanong ng mga Senador ay sakop ng executive privilege.
Sa panig naman umano ng Senado ay maari nilang i-cite for contempt si Neri kung sa tingin nila ay hindi sakop ng pribilehiyong isinasangkalan ng mga opisyal ng gabinete.
Subalit kung hindi naman umano magkasundo ang Senado at kampo ni Neri ay babalik sila sa SC upang ituloy ang pagdinig.
Samantala, kinuwestiyon din ni Associate Justice Presbiterio Velasco ang pagpapalabas ng Senado sa kanilang warrant of arrest sa mga taong iniimbitahan nila sa kanilang isasagawang mga pagdinig.
Nilinaw ni Velasco na walang kapangyarihan ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso na mag-issue ng warrant of arrest dahil tanging ang mga Hukom lamang ang makakapagpalabas nito.
Bukod dito nilabag din umano ng Senado ang kanilang Rules sa paglalabas ng warrant of arrest laban kay Neri.
Dahil base umano sa Senate Rules, kung magpapalabas sila ng arrest warrant ay dapat present lahat ang mga miyembro ng Komite, taliwas umano sa ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee Chairman Alan Peter Cayetano, na pina-ikot ang isang resolusyon sa kapwa nito Senador. (Gemma Amargo-Garcia)