Bilang protesta, iipitin ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa ang pagdaloy ng dolyar sa Pilipinas.
Pansamantalang hindi magpapadala ng remittance sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas ang isang samahan ng mga overseas Filipino workers upang ipakita ang kanilang protesta laban sa pamahalaan.
Kasabay nito, idineklarang “No Remittance Day” ng grupong Migrante International ang Marso 8 (Sabado), na kilala din bilang International Women’s Day, upang ipakita ang kanilang di pagkakuntento sa panunungkulan nito.
Ayon sa grupo, hihikayatin din nila ang iba pang mga OFWs na huwag magpadala ng pera sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas sa nasabing petsa.
Sa ganitong pamamaraan anila, maipapakita ng mga OFW ang kanilang protesta laban sa administrasyong Arroyo na inuulan ngayon ng mga alegasyon ng korapsyon at iba pang mga anomalya.
Nabatid na ang United Filipinos in Hong Kong (UniFil), isang grupo ng mga OFW sa Hong Kong, ang nagpasimuno ng “No remittance protest.”
Anila, gagawin nila ito minsan sa loob ng isang buwan hanggang sa tuluyan na umanong mapatalsik sa pwesto ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagpahayag na rin naman ng pakikiisa sa “No Remittance Day” ang mga Migrante chapter sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar at United Arab Emirates (UAE).