Nanawagan kahapon si Agricultural Sector Alliance of the Philippines Partylist Rep. Nicanor Briones sa mamamayan na magmatyag laban sa smuggling na nagbibigay ng malaking panganib sa buhay ng mga Pilipino at kawalan ng bilyun-bilyong buwis sa gobyerno na higit na mas malaki sa kontrobersyal na national broadband network project.
Ayon kay Briones, kada taon ay nawawala sa kaban ng bansa ang tinatayang P100 hanggang P150-bilyon dahil sa malaganap na technical smuggling.
Bunsod nito ay nanawagan si Briones sa Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na “patalsikin” na sa puwesto si Bureau of Customs Commissioner Napoleon Morales dahil mula nang italaga ito sa nasabing tanggapan ay lalo umanong naging talamak ang smuggling sa bansa.
Inihayag ni Briones na mapanganib sa kalusugan ng mga mamamayan ang mga smuggled na produkto tulad ng chicken, meat at gulay dahil hindi ito nasisiyasat ng kinauukulan at posibleng may dalang sakit tulad ng bird flu, Swine Influenza, Foot and Mouth Disease, Mad Cow Disease at iba pang karamdaman. (Butch Quejada)