Nagpaparamdam na naman ang ilang Civil Society Group sa kasagsagan ng mga panawagang bumaba na sa pwesto si Pangulong Arroyo.
Sa ginanap na press conference kahapon sa Quezon City na pinangunahan ng Filipino Democratic Nationalist Reform Movement, sinabi ni Linda Montayre, convenor ng naturang grupo, na nasa punto sila ngayon ng konsultasyon at pagbuo ng isang transition council bilang paghahanda umano sa posibilidad na bumaba o matanggal sa pwesto si Pangulong Arroyo.
Ayon kay Montayre, pitong miyembro ang bubuo sa transition council, apat na mga sibilyan at tatlo mula sa hanay ng militar.
Tumanggi naman nitong banggitin kung sinu-sino ang posibleng maupo sa pitong pwestong ito subalit ang natitiyak umano niya ay si Pampanga Gov. Fr. Ed Panlilio ang magiging boto ng konseho bilang siyang mamumuno sa transition government.
Mahalaga aniya na ang pansamantalang hahawak sa gobyerno ay isang taong walang kinasasangkutang katiwalian, korapsyon o anomalya .
Nilinaw naman ni Montayre na sakaling bumaba o mapatalsik sa pwesto si Arroyo, pansamantala lamang ang pag-upo ni Fr. Panlilio, hangga’t hindi pa sumasapit ang takdang panahon ng eleksyon sa 2010. (Angie dela Cruz)