Sumibat kahapon patungong Hong Kong si First Gentleman Mike Arroyo upang makaiwas umano sa mga nagpaplanong itumba ito.
Umalis ang Unang Ginoo bandang 7:30 ng umaga sakay ng PAL flight PR-300 sa NAIA Centennial Terminal 2 at inihatid nina MIAA General Manager Alfonso Cusi, MIAA Asst. General Manager for Security and Emergency Services (ret.) Gen. Angel Atutubo at MIAA Asst. general manager for operations Engr. Octavio Lina.
Sinabi ni Cusi na sinamahan nila hanggang departure area ang First Gent bilang pagbibigay galang sa asawa ng Pangulo.
Nabatid kay Cusi na nakatakda ring bumalik si FG sa darating na Linggo upang humarap sa Ombudsman sa Martes.
Ang Unang Ginoo ay umupo sa First Class seat 1-C, isang upuan ang pagitan nila ng aktres na si Ruffa Mae Quinto na naka-upo naman sa seat 1-A.
Sa naging panayam ng mga mamamahayag, mariing itinanggi ni Cusi ang kumakalat na balita sa paliparan na isinama ni FG ang nasabing aktres sa Hong Kong upang magbakasyon. Anya, ang pagka kasabay ng dalawa at malapit na upuan sa isat-isa ay aksidente lamang.
Bukod dito, may kumalat na mga text messages na bago umalis si FG ay ito’y dudukutin umano ng ilang dismayadong miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Diumano, ang gagawing pagdukot kay FG ay magiging hudyat na bumibitaw na ng suporta ang military sa Pangulo.
Gayunman, pinabulaanan ni AFP chife Hermogenes Esperon ang kumakalat na text messages at sinabing bahagi lamang ang lahat ng kampanyang wasakin ang Unang Pamilya. Unang inihayag ni Esperon na buo ang suporta ng military sa Pangulo ng bansa. (Ellen Fernando)