‘Sabi ni Neri, evil person si GMA’ – Lozada

Tinawag umanong “evil person” ni dating Socio-Economic Secretary Romulo Neri si Pa­ ngulong Gloria Arroyo sa isang dinner meeting noong Dis­yembre, ayon sa kon­tro­­bersiyal na NBN-ZTE star witness na si Rodolfo Noel Lo­zada Jr.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Se­na­do sa umano’y ma­ano­mal­yang national broadband network contract ng pa­maha­laan at ng ZTE Corp. ng China, sinabi ni Lozada na nangyari ang meeting noong Disyembre 7 sa Asian Institute of Management building sa Makati City kung saan tahasang inila­rawan  umano ni Neri na “evil” ang Pangulo.

Sa Malacañang, pi­na­bulaanan ni Neri ang aku­sasyon ni Lozada.

Nagsilbing technical consultant ni  Neri si Lo­zada na isang electronics and communications engineer.

Naunang tumanggi si Lozada na isalaysay ang nangyari sa meeting noong Disyembre dahil dumarami na umano ang kanyang kaaway dahil sa kan­yang mga pahayag sa Senado pero ipinaalala ng mga senador ang sinum­paan nitong mag­­sasabi ng katoto­hanan.

Ayon kay Lozada, nangyari ang meeting matapos ang unang pag­harap ni Neri sa Senado kung saan  nanghingi pa umano  ng tulong ang dating NEDA chairman na ti­nawag nitong “patriotic mo­ney”.

Gusto umanong ma­kalikom ng pera o “patriotic money” ni Neri na  magagamit umano nito sa sandaling umalis na ito sa gobyerno mata­pos ibun­yag ang nala­la­man sa $329 milyong NBN proj­ect.

Inilarawan pa uma­no ni Neri kung gaano ka­lala ang katiwalian sa bansa. Dumalo sa pu­long ang mga opo­sis­yong senador na sina Ana Consuelo “Jamby” Madrigal at Pan­filo Lac­son.

Pinangalanan pa uma­no ni Neri ang apat na ne­gosyante na naki­kinabang sa korupsiyon sa gob­yerno na sina Enrique Razon, chairman at president ng International Containers Terminal Services Inc.; Lucio Tan, may-ari ng Philippine Air Lines; at isang Tommy Alcan­tara.

Nangyari umano ang meeting noong kinu­kum­binsi si Neri na hu­marap muli sa Se­nado  upang  ibunyag pa ang nalala­man sa kon­tro­ber­siyal na NBN-ZTE  contract.

Matatandaan na isang beses lamang humarap sa Senado si Neri kung saan ibinun­yag niyang sinabihan siya ni dating Commission on Elections Chairman Benjamin Aba­los na “Sec, may 200 ka dito”.

Isinangkalan din ni Neri ang executive privilege para hindi siya mapilit ng mga senador na ibun­yag kung ano ang usa­pang nama­gitan sa kanila ni Pa­ngulong Arroyo sa NBN-ZTE contract.

Samantala, hiniling din ni Lozada sa mga sena­dor na bigyan ng protek­siyon si Neri at siguradu­hing hindi ma­papahamak ang buhay nito dahil ko­nektado pa rin ito sa Ma­lacañang.

Humingi rin ng ta­wad si Lozada kay Neri ma­tapos nitong ibun­yag ang pagkakala­rawan nito ng  “evil” o demon­yo ang Pangulo.

Kinumpirma naman ni Lacson ang  naga­nap na pulong sa AIM pero  hindi niya isini­wa­lat sa publiko dahil sa panga­ko niya kay Neri.

Hindi direktang inamin ni Neri ang pahayag ni Lozada na tinawag niyang “evil person”  ang Pa­ngulo.

Sa text message ni CHED chairman Neri sa Malacañang reporters, sinabi niyang hindi niya maalala ang kan­yang mga binitiwang panana­lita ng maki­pagpulong siya kina Lacson at Madrigal sa AIM.

Iginiit kahapon ng Malacañang na mas ma­kakabuting dalhin na la­mang ni Lozada sa korte ang kanyang mga para­tang tulad ng hu­ling aku­sasyon nitong ang Pa­lasyo ang gu­mastos sa kanyang bi­yahe pa­tu­ngong Hong Kong upang makaiwas daw sa imbes­tigasyon ng Se­nado.

Sinabi ni Cabinet Secretary Ricardo Sa­lu­do na kahit sino ay ma­aaring magsabing bi­nigyan siya ng pera at ipakita ang salapi na umano’y ibinigay sa kanya.

Ayon kay Saludo, hindi lamang sa pama­magitan ng pag-aakusa ni Lozada na binigyan daw siya ni Deputy Executive Secretary Ma­nuel Gaite ng P500,000 masusukat ang katoto­hanan sa alegas­yong ito.

Wika pa ni Saludo,  mas kailangang masu­sing masiyasat ng korte o ng Ombudsman ang mga akusasyong ito upang lumabas ang katotohanan o pabula­anan ang mga akusas­yon.

Binuweltahan din  ni Neri si Lozada  sa pag­bun­yag nito na inalok siya ng P20 milyong “Patriotic fund” kapalit ng kanyang pagbibitiw sa Gabinete ni Pangu­long Arroyo at pag­harap sa imbestigas­yon ng Senado.

Sinabi ni Neri si Lo­zada ang mismong nag-alok sa kanya ng P20 milyong “patriotic fund” na mula daw sa maya­ya­mang negos­yante.

Show comments