Nagsisisi na si Philipine National Police (PNP) chief, Director General Avelino Razon Jr. sa “pagtulong” umano kay ZTE broadband deal witness Rodolfo Noel Lozada Jr. sa pagbibigay ng seguridad dito matapos dumating buhat sa Hong Kong dahil sa kabi-kabilang intriga na ibinabato sa kanila ngayon.
Sinabi ni Razon na sana ay iniwan na lamang nila si Lozada sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 5 at hinayaan na lamang ang mga tauhan ng Senado na ihain agad ang “warrant of arrest” laban sa kanya.
Dahil umano sa pagtugon sa kahilingan ni DENR Secretary Lito Atienza, napasama pa ngayon ang PNP dahil sa akusasyon na kinidnap nila si Lozada.
Muling iginiit ni Razon na tinupad lamang nila ang kanilang trabaho at walang kidnapping na naganap dahil sa hindi naman nila pinuwersa na dalhin sa ibang lugar si Lozada at tinupad pa nga ang hiling na dalhin siya sa La Salle Greenhills.
Nagsisisi rin siya ngayon dahil sa lumalabas umano na nakikipag-usap rin si Lozada sa mga Senador ng oposisyon na siyang pangunahing tumutuligsa sa PNP.
Matatandaan na una nang nagpahayag ng pagsisisi si Atienza kay Lozada na kanya lamang tinulungan dahil sa kanya itong tauhan sa DENR sa pagiging pinuno nito ng Philippine Forest Corporation.