Susuportahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at Makati Business Club (MBC) si Vice Pres. Noli de Castro sakaling magbitiw sa kanyang tungkulin si Pangulong Arroyo bunsod ng anomalya sa nakanselang ZTE-NBN deal.
Sinabi ni Pangasinan Archbishop Oscar Cruz, malinaw sa isinasaad ng Konstitusyon na ang pangalawang pangulo ang dapat umupo sa puwesto kung susunod ang Pangulo sa kaliwa’t-kanang panawagan ng ibat-ibang sector na magbitiw na ito para matapos na ang masalimuot na gulo at tuluyan ng umusad ang bansa makaraang muling madawit ang pangalan ni First Gentleman Mike Arroyo sa kontrobersiya.
Nilinaw naman ni MBC Executive Director Alberto Lim na hindi nila pinagbibitiw ang Pangulo pero kung kusa umanong aalis sa puwesto si Pangulong Arroyo ay si de Castro ang susuportahan ng mga negosyante sa Makati.
Ikinatuwa naman ni de Castro ang mga pahayag ng dalawang grupo, subalit nilinaw nito na hindi siya nagmamadali at nakahandang mag-antay sa anumang magiging desisyon ng Pangulo. (Mer Layson)