Recount sa Pampanga inutos ng Comelec

Nagpasaklolo na kahapon sa Korte Suprema si Pampanga Governor Ed Panlilio matapos na ipag-utos ng Commission on Election (Comelec) ang pagsasagawa ng recount sa nakaraang May 2007 elections. 

Sa inihaing petition ni Panlilio sa SC, hiniling nito ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) o magpalabas ng status quo order upang mapigilan ang pagdadala ng mga ballot boxes mula sa nasabing lalawigan patungo sa Comelec main office sa Intramuros, Manila para sa gagawing recount.

Ang kahilingan ni Panlilio ay bunsod sa alegasyon ni dating board member Lilia Pineda sa Comelec na umano’y nandaya si Panlilio kaya nanalo ito sa naka­raang eleksyon.

Una nang pinaboran ng Comelec ang kahilingan ni Pineda na mabilang muli ang mga balota mula sa 4,847 presinto sa Pampanga.

Batay sa alegasyon ni Pineda, naipagkait sa kanya ang tagumpay matapos madaya noong eleksyon dahil hindi isinama sa kanyang boto ang kanyang alyas na “Nanay Baby.” (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments