Tahasang tinututulan ni Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz na magsagawa ng panggagamot o healing ministry sa kaniyang nasasakupan ang pinagkakaguluhang ‘the healing priest’ na nakabase sa Canada at naglilibot sa bansa.
Ibinunyag ni Cruz na batay sa kaniyang pag-iimbestiga, hindi makatwiran na may sangkot na pera o hinihinging donasyon ang gawain ni Fr. Fernando Suarez, na may mga kasamang tauhan o organizers.
Maliban pa dito, may kasama umanong negosyo din ang paglilibot ng nasabing pari partikular ang pagbebenta ng rosaryo na sinasabing may healing power.
Aminado si Cruz na hindi na ito pinanghihimasukan ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines dahil hindi na man ito national concern.
Nasa kamay na anya ng ibang mga obispo kung papayagan o hindi sa kani-kanilang lugar ang healing rally ni Fr. Suarez.
Matatandaang kinondena ni Bishop Jose Oliveros ng Bulacan ang ginawang healing ministry ni Suarez sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng pahintulot mula sa kaniya.
Isa umanong paglabag sa doktrina ng Simbahang katoliko ang ginawa ni Fr. Suarez sa Divine Mercy sa Marilao dahil wala naman umano itong permiso mula sa kanya.
Una nang napaulat na may nahilo at hinimatay sa pagdagsa ng libong tao sa healing session na isinasagawa ni Fr. Suarez sa iba’t-ibang lugar.
Bukod pa rito, inireklamo din ng ilang taong simbahan ang siyento-por-siyentong pagkuha ng mga tauhan ni Fr. Suarez ng mga donasyon na hindi man lamang nag-iwan ng kaunting panggastos sa mga nasirang upuan o mga taong nangasiwa sa pagsasagawa ng healing rally. (Ludy Bermudo)