Instant millionaire ang isang lalaki na nagbigay-daan sa pagkakaaresto kay top Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) leader Elizabeth Principe noong Nobyembre 2007.
Pormal na ibinigay nina AFP-NCRCOM Chief Major Gen. Fernando Mesa at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Geary Barias ang P5 milyon cash sa nasabing informer.
Nagpasalamat namang tinanggap ng lalaking na katakip ang mukha ang nasabing reward.
Tumanggi naman sina Mesa at Barias na tukuyin ang pangalan ng nasabing tipster para na rin sa seguridad nito.
Si Principe, top leader ng CPP-NPA ay miyembro rin ng CPP Central Committee. Nasakote ito ng pinagsanib na intelligence operatives ng AFP at PNP sa bisinidad ng Ali Mall sa Cubao, Quezon City noong Nob. 28, 2007.
Si Principe, na gumagamit ng mga alyas na Bea Te Chua/Celia Pineda Santos/ Vilma/ Veronica/ Bening/Lagring/ Amorsola/Elsie/ Saleng/Imay/Lina /Blue /Trining/Rev/Magat ay regular member ng Central Committee at Secretary ng Cagayan Valley Regional Committee ng CPP .
Ayon naman kay Barias, isang malaking dagok sa communist movement ang pagkakaaresto kay Principe at hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang ituro ang iba pang mga lider ng CPP-NPA na wanted sa batas para makakuha rin ang mga ito ng reward.
Ang nasabing lider komunista ay nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. (Joy Cantos)