Wala nang pag-asa pang magtagal sa pagkapit sa upuan ng Mababang Kapulungan si Speaker Jose de Venecia matapos matiyak na nagkakaisa ang malalaking partido pulitikal sa Kamara upang palitan ang liderato ng Pangasinan solon.
Nagkaisang tiniyak ng ilang lider ng Lakas-NUCD, Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), Liberal Party (LP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) kabilang ang Bagong Laban ng Nueva Ecija (Balane) na mapapalitan si de Venecia sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Ayon sa naturang mga lider, hinog na at kumpleto na ang bilang upang patalsikin si de Venecia sa mga susunod na araw. Hinihintay na lamang ang pormal na paghahain ng mosyon na nagbabakante sa lahat ng posisyon sa Kamara kabilang ang Speakership.
Sinasabing nakakalap na ng kinakailangang 134 pirma kasabay ang manifesto na wala na silang tiwala at kumpiyansa kay de Venecia.
Kabilang sa lumagda para mapatalsik sa puwesto si de Venecia ang dalawang anak ni Pangulong Arroyo na sina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Camarines Rep. Dato Arroyo na hayagan nang nagpakita ng diskuntento sa liderato ni de Venecia.
Ayon kay Kampi president Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, 56 sa 134 kongresista gustong sipain si de Venecia ay galing sa partido ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi).
Ihaharap ni Rep. Villafuerte ang manifesto ng mga kongresista kay JDV sa pagbubukas ng sesyon sa Lunes.
Naunang sinabi ni Lakas Rep. Monico Puentevella ng Bacolod City, dating kaalyado ni JDV, na nakahanda siyang tanggapin ang anumang mangyayari sa kanyang pagdeklara ng “lost of confidence” kay de Venecia.
“If the Speaker cannot stop Joey (de Venecia) from further falsely accusing the First Family, neither can he stop Rep. Boy Nograles (Davao) and all the people supporting the President from doing their thing or advocating a change of leadership in the House,” pahayag ni Puentevella.
Aniya, nadurog nang tuluyan ang partido mismo ni de Venecia at hindi lamang ang rainbow coalition na sumusuportra sa kanyang liderato sanhi ng pagkaladkad ng pangalan ng Unang Pamilya sa anomalyang kinasasangkutan ng anak nitong si Joey.
Para naman kina Batanes Rep. Edno Joson at LP Rep. Danilo Suarez ng Quezon walang kuwentang Speaker si de Venecia matapos gamitin nito ang kanyang anak upang ikaladkad ang Unang Pamilya sa anomalya upang manatili siya sa poder.
Naniniwala naman ang Malacañang na hindi masasaktan ang Lakas-CMD sakaling matuloy ang pagtanggal kay de Venecia.
Ayon sa Palasyo, hawak pa rin naman ni de Venecia ang pagiging pangulo ng Lakas-CMD at ang mawawala lamang sa kanya ay ang titulong bilang lider ng Kamara.