Masaklap ang sinapit na kamatayan ng apat na miyembro ng isang pamilyang Pinoy sa Guam matapos makulong sa loob ng nasusunog nilang tahanan nitong Linggo.
Sa report na nakarating kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang nasawing mga biktima na sina Xavier Rojas, 28; asawa nitong si Jenalyn, 22 at ang kanilang dalawang anak na sina Jevier, 3 at John Patrick, 1.
Base sa ulat, nilamon ng apoy ang 2-storey na tahanan ng pamilya Rojas na matatagpuan sa Naki St., Chalan Pago, Guam at naapula ang apoy dakong alas-2 na ng madaling araw nitong Linggo.
Tanging ang tatlong alagang aso ng pamilya ang nakaligtas sa trahedya.
Sinabi ni Philippine Consul General Bayani Mercado na kumilos na ang kanilang tanggapan upang tulungang maiuwi sa Pilipinas ang mga bangkay ng pamilya Rojas.
Ang pamilya Rojas ay tubong Cebu at nanirahan lamang sa Guam. (Joy Cantos)