Manero lumaya na

Matapos ang ilang araw na pagka-udlot ng paglaya, tuluyan nang nakalabas kahapon sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ang convicted priest killer na si Norberto Manero Jr.

Ito ay matapos na pir­mahan kahapon ni Justice Secretary Raul Gon­zalez ang release paper at endorsement paper para sa Director ng Bureau of Correction ni Ma­nero at personal na iabot sa abogado nito na si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta.

Kaagad namang di­nala ni Acosta ang na­turang release paper sa NBP kung saan naghi­hintay si Ma­ nero at asawa nito. 

Sinabi ng Kalihim na wala ng legal na basehan upang hindi matuloy ang paglaya ni Manero dahil napagsilbihan na nito ang sentensiya sa NBP.

Iginiit ng Kalihim na nagkaroon ng kalituhan sa record ni Manero ma­tapos bawiin ni dating Pangulong Joseph Estra­da ang commutation of sentence na nauna ng ibinigay sa priest killer ng masentensiyahan ito ng habambuhay na pagka­bilanggo noong Setyem­bre 4, 1987.

Subalit base umano sa doktrina, hindi na ma­aring bawiin ang commutation of sentence sa sandaling makumpleto na ang proseso nito.

Nilinaw naman ni Gon­zalez na hindi ma­aring idemanda ni Ma­nero ang gobyerno kung nabinbin man ang pag­laya nito subalit kung pipigilan naman ng gob­yerno ang kanyang pag­laya ay maaari namang labagin ng pamahalaan ang Revised Penal Code at puwede silang sam­pahan ng kasong arbitrary detention.

Si Manero at mga kapatid nitong sina Edil­berto at Elpidio, mga da­ting miyembro ng Integrated Civilian Home Defense Force at miyembro na­man ng Ilaga group na siyang lumaban sa Moro separatist noong dekada ’70, ang pumatay at uma­no’y kumain ng utak ni Italian priest Tullio Favali sa Tulunan, North Cota­bato noong 1985.

Napalaya naman ang mga kapatid ni Manero noong Mayo 29,2003 matapos na makulong ng halos 18 taon. (Gemma Garcia/Rose Tesoro)

Show comments