Nakatakdang ipatawag ng Philippine National Police (PNP) ang lady reporter na si Dana Batnag upang hingan ng paliwanag sa sinasabing pagtulong nito kay Magdalo Marine Captain Nicanor Faeldon upang makatakas sa kasagsagan ng Manila Peninsula siege.
Ito’y matapos tukuyin na ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na si Batnag ang lady reporter na nakunan sa video footage ng RPN- 9 tv news team na nag-aabot ng press ID kay Faeldon upang makasama palabas ng Manila Pen.
Sa kuha naman ng Close Circuit Television Camera (CCTV) ng hotel, makikita ang isang lalaki na nakasuot ng camouflage habang kasamang tumatakbo ang isang babae na kulot ang buhok palabas sa employees exit ng hotel.
Si Batnag, correspondent ng Tokyo based Jiji Press at vice president ng Foreign Correspondents Associations of the Philippines (FOCAP) ay nakita sa ilang eksena sa video na kausap si Faeldon sa loob ng hotel sa kalagitnaan ng stand-off.
Gayunman, malabong matukoy, batay sa kuha ng CCTV camera ang kabuuang pagkakakilanlan ng mga ito habang tumatakbo sa fire exit dahil nakasuot ng baseball cap ang sundalo at malabo din ang resolution ng footage kung saan ang tanging pinagbasehan ng mga imbestigador ay ang babaeng kulot ang buhok at medyo seksi ang pangangatawan na siyang deskripsyon ni Batnag.
Sa panig ni Batnag, tahasan nitong itinanggi na siya ang tinutukoy na tumulong kay Faeldon at hinamon pa nito ang PNP na dalhin sa korte ang kaso laban sa kanya kung may matibay na ebidensya ang mga awtoridad sa nasabing alegasyon.
Nauna nang nilinis ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr. ang mga pangalan nina ABS-CBN reporter Ces Drilon at Malaya columnist Ellen Tordesillas sa kaso ng lady reporter na umano’y tumulong sa pagtakas ni Faeldon.
Nang matanong naman si Razon kung talagang si Batnag ang tinutukoy nilang newshen ay kindat lamang ang tanging itinugon nito sa media.
Sinabi ni Razon na magsasampa sila ng kasong obstruction of justice at abetting to rebellion dahil naging instrumento umano ang naturang reporter sa pagtakas ni Faeldon.
Bagaman, isiningaw na ng mga opisyal ng PNP-CIDG ang pangalan ni Batnag, nanindigan ang PNP Chief na kapag nahuli na si Faeldon ay opisyal na nilang tutukuyin ang pangalan ng nasabing lady reporter.
Sa ngayon, ginagamit pa nila ang “lady reporter” para makakuha ng lead sa pagtunton sa pinagtataguan ni Faeldon.
Hinikayat naman kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang PNP na ilabas ang mga hawak nilang ebidensiya laban dito dahil marami na umanong pangalan ang nadadamay gayung alam naman umano ng PNP kung sino talaga ang lady reporter na tinutukoy sa mga balita.
Idinagdag pa ng Kalihim na bagamat matibay ang hawak na ebidensiya ng PNP, hindi pa rin umano ito sapat dahil maituturing na isa pa rin itong circumstantial evidence. Nilinaw pa nito na ang isang circumstantial evidence ay kinakailangang may isang credible na testigo.
Sinabi pa ni Gonzalez na hindi naman kasi nakakapagsalita ang video at hindi lahat nang makakapanood nito ay magkakaroon ng iisang paniniwala na tinulungan talaga ng lady reporter si Faeldon nang makita itong nag-abot ng media ID dito.
Magugunita na si Faeldon ay nauna nang nakatakas noong Disyembre 14, 2005 at nasakote noong Enero 27, 2006 sa Malabon City sa bahay ng sinasabing lover nito na isang abogado ng military prosecution panel na lumilitis sa mga sangkot sa coup plot na Magdalo Group.