Dedma lamang sa mga konsehal ng Manila City hall ang isang epileptic habang ito ay inaatake ng kanyang sakit sa hallway ng session hall kahapon ng tanghali.
Tila walang nakita ang mga konsehal na sina Cristina Isip, Bonjay Isip-Garcia, Philip at Dennis Lacuna, Uno Lim, Letlet Zarcal nang dumaan sa tabi ni Marilyn Gutierrez, 32 na nangingisay at napapaligiran ng maraming tao.
Tanging ang mga taga-General Services Office na sina Rosario Ravelo at Corazon Sagun ang tumulong kay Gutierrez habang hinihintay ang pagdating ng doktor na si Dr. Apollo Ventenilla.
Ayon kay Ravelo at Sagun, bandang 1:45 nang dumating sa city hall si Gutierrez at biglang natumba at nangisay. Tinulungan nila ito subalit naging mabilis ang atake ng sakit nito hanggang sa humingi sila ng tulong sa clinic habang pansamantalang nilagyan ng kutsara ang bibig nito.
Tiyempong napadaan naman ang nabanggit na mga konsehal, subalit laking gulat ng mga tao sa pagbalewala ng mga ito sa biktima.
Anila, nagagawa lamang lapitan ng mga konsehal ang mga taong tulad ni Gutierrez tuwing panahon ng eleksiyon.
Sinabi naman ni Ventenilla, aalamin muna nila ang sanhi ng pagiging epileptic nito. Aniya, posibleng sa gutom o may sakit na noong bata pa lamang si Gutirrez na hindi nagamot hanggang sa makuha niya ito. (Doris Franche)