Class suit vs PNP isasampa ng media

Dahil umano sa banta sa press freedom, naka­takdang magsampa ng class suit ang ilang napo­sasang miyembro ng media laban sa Philippine National Police (PNP) kaug­nay ng naganap na pag-aaklas ng grupo ni Sen. Antonio Trillanes IV sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City noong Nob­yem­bre 29, 2008.

Ayon kay Ellen Torde­sillas, beteranang reporter at hard-hitting columnist ng Malaya at abs-cbnews.com at kabi­lang sa mga napo­sasan, da­pat umanong ipagla­ban ng mediamen ang kani­lang karapatan sa mala­yang pamamahayag na nakasaad sa itinatad­hana ng 1987 Constitution.

Nangunguna sa mga kakasuhan sina PNP Director Gen. Avelino Ra­zon Jr. at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Deputy Director Geary Barias.

Iginiit ni Tordesillas na illegal umano ang gina­wang pag-aresto, pagpo­posas at pagdetine sa mga mediamen matapos silang mapag-initan ng mga awtoridad sa nang­yaring mahigit anim na oras na standoff.

“This is a case against those who want to suppress press freedom,” matapang na pahayag ni Tordesillas.

Ayon kay Tordesillas, sasama rin sa pagsa­sampa ng class suit sa Makati City Regional Trial Court sa susunod na linggo ang National Union of Journalists of the Philippines, Center for Media Freedom and Responsibility at iba pang orga­ni­sasyon ng media kung saan ang beteranong si Atty. Harry Roque ang tatayong abogado ng kanilang grupo.

Maliban kay Torde­sillas, naposasan din sina Noel Alamar ng DZMM, Raul Esperas ng DWIZ, Chona Yu ng DZRV Radio Veritas, mga crew at reporter ng mga television stations, reporter ng print media atbp.

Sinabi ni Tordesillas na bilang mga mama­maha­yag ay trabaho nitong maghatid ng im­pormasyon sa publiko ng patas at walang kiniki­lingan.

Ang isasampang class suit ay kaso ng media laban sa lahat ng gustong busalan ang malayang pamamahayag sa bansa.

Ayon pa kay Torde­sillas, maging ang mga mamahayag na hindi nasangkot sa Manila Pe­ninsula siege ay maaari rin aniyang sumama at sumuporta sa nasabing demanda.

Magugunita na pati mediamen na nag-cover sa Manila Pen siege ay inaresto, pinosasan at dinala ng mga pulis sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kasama ng grupo ni Trillanes at Army Brig. Gen. Danilo Lim.

Show comments