“Magpaliwanag na lang kayo sa Korte at iharap ang inyong mga ebidensya.”
Ito ang tahasang sinabi ni Philippine National Police Director Gen. Avelino Razon matapos ilabas ang pinal na resulta ng imbestigasyon sa Glorietta-2 blast noong Okt.19 ng nakaraang taon na nagsasabing aksidente ang naturang pagsabog.
Ito’y sa harap ng paggigiit ng ALI na may forensic evidence silang magpapatunay na hindi aksidente kundi sadyang binomba ang Glorietta 2 na iki nasawi ng 11-katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Sa report ng PNP, kinasuhan ang labinglima katao ng criminal at administrative negligence na ang karamihan ay mga kontratistang itinalaga ng ALI para mangasiwa sa mall. Nanindigan ang PNP sa naunang findings na ang pagsabog ay sanhi ng naghalong methane at diesel. Inabsuwelto naman nito ang mga opisyal ng ALI sa pangunguna ni Jaime Ayala.
Sa isang statement, sinabi ng ALI na itutuloy nito ang imbestigasyon at ihaharap ang makakalap na forensic evidence sa tamang forum upang patunayang hindi ito nagpabaya sa pangangasiwa ng mall.
“Ayala Land has always adhered to strong core values of corporate responsibility and integrity. We believe that we have always done what is right for our customers and our business partners,” anang ALI sa ipinalabas na press statement. Inihayag ng ALI na handa itong humarap sa Korte na siyang pinal na magdedesisyon kung mayroon nga o walang kapabayaan sa administrasyon ng Glorietta-2.
Ayon kay Razon kung may maipapakitang ebidensiya ang ALI na susuporta sa alegasyon na isang malakas na uri ng bomba ang sumabog sa Glorietta 2 mall ay tatanggapin ito ng PNP. Sa teorya ng PNP, sinasabi namang sumingaw na methane gas na humalo sa diesel fuel sanhi ng kapabayaan ang nangyaring insidente.
Sinabi pa ni Razon ang pulisya at ang binuo niyang Multi-Agency Investigating Task Force (MAITF) na nagsagawa ng pagsisiyasat ang higit na may kredibilidad na magsalita at magsabing kung ano ang sanhi ng pagsabog dahil sa pinanghahawakang ebidensiya na nakuha sa isinagawang imbestigasyon sa blast site.
Ipinaliwanag pa ni Mamang Pulis ang ebidensiya na siya nilang pinagbasehan ng resulta sa tunay na pangyayari sa pagsabog na siya rin nilang ihaharap sa husgado sa pagsasampa ng kaso laban sa lahat ng mga responsable.
Kabilang sa mga sasampahan ng kasong reckless imprudence/negligence ( gross negligence) resulting to multiple homicide, physical injuries at damage to properties sina Engineer Candelario Valdueza, Project Engineer ng Makati Supermarket Corp (MSC) ng G2 mall; Engineer Marcelo Botenes, Building Engineer ng MSC, G2; Engineer Jowell Velvez, Building Administrator ng MSC, G2; Engr. Arnel Gonzales, Bldg. Manager ng MSc-G2; Engineer Clifford Arriola, Operation Manager ng Marchem Industrial Sales and Services Inc.; Joselito Buenaventura, Supervisor, Marchem; Chairlie Nepomuceno, Marchem Maintenance Personnel; Jonathan Ibuna, Marchem, Maintenance Personnel at Juan Ricafort, Marchem Maintenance Personnel.
Kabilang naman sa ipaghaharap ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019 ) at kasong administrative for gross negligence of duty ay sina Senior Fire Officer (SFO4) Anthony Grey, Fire Safety Inspector; SFO2 Leonilo Balais, Fire Safety Inspector at Sr. Inspector Reynaldo Enoc, Fire Prevention Officer ; pawang ng Makati City Fire Station.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na bagaman hindi kabilang sa kanilang ipaghaharap ng kaso ngayong araw sa Department of Justice (DOJ) ang negosyanteng si Jaime Ayala, may-ari ng Ayala Land Inc. ay hindi pa ito lusot sa kaso.
“He is not yet off the hook, if evidence and information showns up, cases will be filed, some additional personalities including him ( Mr. Ayala ) will be charged in court “, ani Puno sa mediamen.