Kahit nanalong best actor, masamang-masama ang loob ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada sa katatapos na Metro Manila Film Festival dahil pa kiramdam niya’y nababoy siya at nakotongan pa kasama ang ibang dumalo sa festival.
Sa isang pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Estrada na nagutom siya at ang iba pang bisita na dumalo sa MMFF.
Sinabi ni Estrada na bukod sa binalewala ang integridad ng industriya, ginamit lamang ito ni Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando.
“Pinagkakitaan na kami, ginutom pa.” ani Estrada.
Inireklamo ni Jinggoy ang ginawang paggamit umano ni Bayani sa awards night bilang front act ng konsiyerto ni Lani Misalucha.
“Amin ang gabing iyon. Pero, hindi nangyari iyon dahil ginamit lamang kaming front act ng concert ni Lani Misalucha na walang ibang makikinabang sa tig-P30,000 kada tiket kundi ang MMDA mismo,” giit ni Estrada.
Pinakamagulo aniya ang pinakahuling awards night na hinawakan ni Fernando dahil bukod sa bulok ang sistemang ipinaiiral, ginutom ang halos lahat ng kalahok.
“Dati, walang bayad ang Award Night para makapanood ang pangkaraniwang mamamayan, pero sinung pobre ang bibili ng tig-P10,000 halaga ng tiket, pinakamababa, P500, sino ang bibili noon,” ani Jinggoy.
Bagaman at mayroon aniyang cocktail, hindi rin sila nakapasok upang makakain dahil P5,000 lamang ang nakuha niyang ticket at ang mga puwede lamang kumain ay ang mga bisitang P10,000 ang biniling ticket.
“Ni hindi binanggit ang mga nominado na siyang pangunahing sangkap sa awards night. At iyong minor awards tulad ng Best Sound at Best Editing, at iba pa, iniabot lamang ang tropeo,” paliwanag pa ni Estrada.
Balak ni Estrada na maghain ng panukala sa Senado upang alisin sa pamamahala ng MMDA ang Film Festival at ibalik sa kuwalipikadong institusiyon tulad ng Mowel Fund o Film Academy of the Philippines.
Ayon pa kay Estrada, naging kaawa-awa din si Lani Misalucha dahil pagkatapos ng bigayan ng tropeo, biglang nawala ang tao, at walang nanood sa concert nito.
Pero nilinaw din ni Jinggoy na wala namang kuwestyon o problema sa mga nakamit na awards ng bawat isang artista at pelikulang kalahok sa MMFF subalit aniya ang sistemang ginawa ni Fernando ang hindi naging katanggap-tanggap. (Malou Escudero)