Ipinababasura ng Office of the Solicitor General (OSG) ang inihaing petition for habeas corpus ni convicted child rapist at dating Congressman Romeo Ja losjos na kumukuwestiyon sa patuloy niyang pagkakapiit sa San Ramon Prison and Penal Farm sa San Ramon, Zamboanga City.
Sa inihaing memoranda ng OSG sa Zamboanga Regional Trial Court (RTC), hindi umano maaring i-apply ang habeas corpus sa kaso ni Jalosjos dahil legal ang pagkakakulong dito at hindi pa aniya natatapos ang kanyang sentensiya sa kasong dalawang bilang ng statutory rape at anim na bilang ng acts of lasciviousness.
Iginiit pa ng OSG na legal ang muling pag-aresto kay Jalosjos dahil maituturing na “pagtakas” ang ginawa niya noong Disyembre 22, 2007 dahil sa Hunyo 24, 2010 pa matatapos ang kanyang sentensiya matapos na mapagkalooban ng commutation of sentence ni Pangulong Arroyo.
Nilinaw din ni OSG chief Agnes Devanadera na hindi puwedeng sabihin ni Jalosjos na isa na siyang “free man” dahil wala namang balidong certificate of discharge na naisyu dito.
Ito ay dahil mismong ang nasibak na BuCor Chief na si Dir. Ricardo Dapat ang nagsabi na bagamat naihanda na nila ang release order ni Jalosjos hindi naman nila ito ipinatupad.
Idinagdag pa ni Devanadera na mistulang nagmamadali ang Bureau of Corrections sa pagpapalaya kay Jalosjos. Dapat umano ay hinintay muna ang desisyon ni Justice Sec. Raul Gonzalez tungkol sa kung tama ba o hindi ang hiwalay na kwentang ginawa ni dating Bucor Dir. Vicente Vinarao sa sentensiya kay Jalosjos.
Sa naturang computation ni Vinarao, lumalabas na matapos ma-commute ang sentensiya ni Jalosjos at maibawas ang iba pang kredito para sa maayos na ugaling ipinakita nito sa bilanggulan ay Disyembre 16, 2007 pa matatapos ang kanyang sentensiya.
Bukod dito, kapwa humingi ng opinyon o gabay sina Vinarao at si Dapat kay Gonzalez kaugnay sa naturang isyu, kaya nangangahulugang ang kalihim ang may “last say” o huling pasya sa paglaya ni Jalosjos.
Hanggang wala umano ang pasya ng DOJ ay hindi maaaring magpalabas ng release order ang Bucor kay Jalosjos dahil wala pa namang linaw sa computation sa nabawasang sentensiya. (Gemma Amargo-Garcia)