Tahasang sinabi ng Department of Health na epektibo ang kanilang kampanya na Iwas Paputok kasabay ng pagsalubong sa taong 2008.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bumaba nang 46 porsiyento ang bilang ng mga biktima ng paputok kung saan nakapagtala lamang ng 446 na biktima o sugatan kumpara sa 831 noong nakaraang taon.
Aniya, karamihan sa mga biktima ng paputok ay dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan isa dito ay si Niccolo Quizon, apo ni King of Comedy na si Dolphy at nagtamo ng sugat sa noo at baba.
Sinabi ni Duque na malaki ang naitulong ng kanilang pagpapakita ng mga naunang biktima ng paputok kung saan ang mga ito ay naputulan ng kamay at daliri.
Nagpahayag din ng kasiyahan si Duque na walang naitalang namatay sa paputok.
“Maging ang mga magulang ay tumulong din sa aming kampanya, at binantayang mabuti ang kanilang mga anak”, ani Duque.
Sa pulong-balitaang ginanap sa East Avenue Medical Center kahapon, sinabi ni Duque na nakapagtala ang DOH National Epidemiology Center ng 450 kaso ng nasaktan kung saan 439 dito ay dahil sa paputok. Napakalaki ng ibinaba nito kumpara sa naitalang 831 kaso sa pagsalubong sa taong 2007.
Patuloy namang nanguna ang Metro Manila sa pinakamaraming bilang ng biktima ng paputok kung saan nakapagtala ng 390 o 72% ng kabuuang bilang. Bumaba naman umano ito ng 60% kumpara noong nakaraang taon.
Sa mga naputukan, 136 o 30% ng mga biktima ay pawang mga bata na nasa 10 taong gulang pababa. Pangunahing sanhi naman ng mga aksidente ngayong taon ay ang “piccolo” kumpara noong 2007 na kwitis.
Ayon naman kay Philippine National Police Chief Director General Avelino Razon Jr., payapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ng New Year.
Sinabi ni Razon na bagaman may mga biktima rin ng mga paputok na isinugod sa pagamutan ay bumaba ito ng malaking porsiyento kumpara noong nakaraang taon kung saan sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang selebrasyon sa paghi hiwalay ng taong 2007 at pagpasok naman ng 2008.
Samantala, dalawang sundalo ng Philippine Marines ang ikinulong nang mahuli ng pulisya na nagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon kamakalawa sa Pasay City.
Kinilala ni PNP Spokesman Senior Superintendent Nicanor Bartolome ang mga inaresto na sina Angel Tabula, 26, nakatalaga sa 10th Marine Battalion Landing Team na nakabase sa Fort Bonifacio, Taguig City; at Elpidio Maca Jr. 40, umano’y dating kasapi ng Marines ng Kalayaan, Pasay City.
Ayon kay Bartolome, naging biktima ng ligaw na bala matapos na magpaputok ng handgun si Tabula sa bisinidad ng panulukan ng Lopez at Vergel St., sa Pasay City sina James Manarang, 32, at Emmelene Dayto, 16, na pawang mabilis na isinugod sa pagamutan.
Isa namang Raymond Pareja na kapitbahay naman ni Maca ang umano’y napagtripan nitong barilin sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Dismayado ang PNP na, sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa indiscriminate firing, walo katao pa rin ang naging biktima ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa kasalukuyan, ayon kay Razon, mahirap pa ring matukoy ng mga imbestigador kung sino ang dapat managot sa pinagmulan ng bala na tumama sa mga inosenteng biktima.
Ayon sa heneral, mabuti na lamang at walang nasawi sa mga tinamaan ng ligaw na bala.
Inihayag nito na malayo ito sa nairekord noong taong 2006 at 2005 na may 40 at 34 ang naging biktima ng ligaw na bala ayon sa pagkakasunod. Isa ang naitalang patay noong 2006 habang 31 naman ang naiulat na nasawi sa stray bullets noong 2005.
Kabilang sa naitalang mga insidente ng stray bullet ay lima sa Region 9; isa sa Region 1 at apat naman mula sa National Capital Region.
Ipinagmalaki naman ng opisyal na walang miyembro ng kapulisan ang naiulat na sangkot sa ligaw na bala.