Bigo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na malansag ang target na 20 guerilla fronts ng New People’s Army (NPA) sa pagtata pos ng taong 2007 dahil 13 lamang ang kanilang nabura.
Inamin kahapon ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Antonio Romero na lubhang naging abala ang tropa ng AFP sa pagbibigay ng seguridad sa nakalipas na May 14 elections at sa Brgy. at Sangguniang Kabataan (SK) polls nitong Oktubre 29 kaya kinapos sila sa operasyon.
Bukod dito, dahilan sa failure of elections ay nagsagawa muli ng special elections para sa Brgy. at SK polls nitong nakalipas na Disyembre 15 sa maraming lugar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Nangako naman si Romero na puspusan ang kanilang isasagawang opensiba laban sa mga rebeldeng NPA sa pagpasok ng taong 2008 kung saan sa unang bahagi ng taon ay 17 guerilla fronts mula sa nalalabi pang 87 ang kanilang target lansagin.
Magugunita na ipinagmalaki ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr., na bumaba na sa 6,000 ang bilang ng NPA rebels sa pagtatapos ng taong ito kung saan target nilang mapababa ito hanggang sa 3,000 sa 2009 o 1,000 kabawasan kada taon.
Idinagdag pa nito na dahilan wala namang nakatakdang eleksyon sa susunod na taon ay siguradong lagot sa tropa ng militar ang mga guerilla fronts na target nilang durugin. (Joy Cantos)