Aabot sa 1,340 mga isnaberong driver na tumatangging magsakay at namimili ng mga pasahero ang ipatatawag ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay DOTC Assistant Secretary at LTO Chief Reynaldo Berroya,
dinagsa ng mga reklamo mula sa mga commuters ang kanilang tanggapan laban sa mga abusadong driver ng pampublikong sasakyan kasunod ng inilunsad nilang “Oplan Isnabero.”
“Karamihan sa reklamo ay refused to convey a passenger, sobrang lakas ng metro at pangongontrata ng pamasahe,” sabi ni Berroya.
Bumuo na si Berroya ng isang Special Investigation team na kasagutan sa mga reklamo ng publiko sa pamamagitan ng cell phones, text messages at written complaints.
Sa daily monitoring report ng LTO, may 100-150 reklamo kada araw ang natatatanggap ng ahensiya mula sa mga commuters partikular na sa Metro Manila kung saan karamihan sa mga inireklamo ay mga isnaberong tsuper ng taxi. (Joy Cantos)