Sinibak na kahapon sa kanyang pwesto bilang Bureau of Corrections (BuCor) chief si Ricardo Dapat at agad na pinalitan ito ni dating PNP chief Oscar Cal deron.
Nabatid sa nakalap na impormasyon na agad umanong nagbalot-balot ng kanyang mga kagamitan si Dapat nang makaabot sa kanyang kaalaman ang ginawang pagsibak sa kanya ng Malacañang.
Maaga pa lang kahapon ay nag-umpisa na itong mag-impake upang bakantihin ang kanyang tanggapan para sa agarang pag-upo ni Calderon.
Napag-alaman na nakasaad umano sa utos na agad lisanin ni Dapat ang kanyang pwesto sa oras na bumaba ang relieve order ng Palasyo.
Bukod sa pagkakasibak sa pwesto ay sasampahan din ng kaukulang kaso si Dapat dahil sa pagpapabaya umano nito sa tungkulin dahilan upang malayang makalabas ng National Bilibid Prison ang convicted child rapist at dating Zamboanga del Norte congressman Romeo Jalosjos ng dalawang beses.
Unang umalis ng NBP si Jalosjos noong Disyembre 16 subalit agad ding bumalik ito kinabukasan nang harangin ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang umano’y iligal o labag sa batas na pagpapalaya sa dating mambabatas.
Sa ikalawang pagtakas ni Jalosjos nitong huli ay sinabing nagkaroon umano ng “suhulan” at sabwatan sa ilang personahe sa BuCor at NBP kaya walang kaabog-abog na nakatakas ito sa pambansang piitan sa Muntinlupa City at makauwi sa kanyang hometown sa Dapitan, Zamboanga del Norte.
Samantala, posibleng sa Bilibid na magdiwang ng Bagong Taon si Jalosjos.
Sinabi ni Gonzalez na wala ng dahilan upang manatili pa sa Zamboanga penal colony si Jalosjos dahil sa NBP niya talaga dapat bunuin ang kanyang sentensiya base na rin sa ilalim ng prison rules kung saan nakasaad na ang direktor lamang ng BuCor ang maaaring mag-utos nang paglilipat ng isang bilanggo sa mga penal colonies ngunit kinakailangan pa rin aniya nito ang direktiba mula sa Kalihim ng DOJ.
Pinag-aaralan na rin ng DOJ na kanselahin ang “living out privilege” na tinatamasa ni Jalosjos pero mananatili pa rin ito sa “minimum security” at hindi na papayagang makalabas ng kulungan at makalibot sa compound ng NBP.
Kasama rin aniya sa pribilehiyo na posibleng mawala kay Jalosjos ang pagpayag na makapaglaro siya ng tennis, makapanatili sa kaniyang bahay sa loob ng NBP at malilimitahan din ang pagtanggap niya ng bisita.
Nilinis naman ni Gonzalez si Dapat sa paglabas ng bilangguan ni Jalosjos at pag-uwi nito sa lalawigan.
Iginiit ng Kalihim na naging mahigpit si Dapat sa pagtatalaga ng mga security kay Jalosjos, lalo na nang malantad sa media ang umano’y nalalapit na paglaya ng dating mambabatas.
Mismong si Jalosjos pa nga umano ang nagrereklamo dahil kahit mag-gi-gym lang siya ay pinababantayan siya sa mga gwardiya.
Kung magkakaroon man aniya ng pananagutan sa panig ni Dapat, ito ay dahil sa kapabayaan nang ipagkatiwala lamang sa kaniyang deputy si Jalosjos noong araw na nakalabas ito ng NBP.
Inaalam na din umano ng DOJ kung ano ang isasampang kaso laban kay Jalosjos na depende sa magiging resulta nang isinasagawang imbestigasyon ni DOJ Undersecretary Fidel Exconde.
Nabatid na kabilang sa pinatukoy ng Kalihim kay Exconde ay kung sino ang nagpalabas ng draft copy ng release order at sino ang naghanda nito.