Dahil sa pagtaas ng insidente ng sunog habang nalalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon, nanawagan ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na iwasan na ang pagbili ng mga mahihinang klase ng “Christmas light” at mag-ingat sa paputok.
Ipinag-utos na ni BFP Director, C/Supt. Enrique Linsangan sa lahat ng regional offices na doblehin pa ang paghahanda at tiyakin na palaging may laman na tubig at nasa maayos na kundisyon ang pagtakbo ng mga fire trucks sa oras ng sakuna ng sunog.
Nagpalabas rin ng payo si Linsangan sa publiko para makaiwas sa sunog. Nangunguna rito ang: 1. pagtanggal ng plug sa electrical outlet kung iiwan ang bahay o bago matulog, 2. huwag hayaang maglaro ng paputok ang mga bata, 3. huwag hawakan ito kapag sisindihan, 4. huwag magsunog ng gulong, 5. maghagis ng paputok sa loob ng dram, 6. huwag mamulot ng hindi sumabog na paputok, 7. huwag itutok sa kapwa ang mga kwitis at pailaw, at 8. huwag ilalagay ang anumang uri ng paputok sa bulsa.
Ipinaalala rin nito na matapos ang selebrasyon ng Bagong Taon, nararapat na buhusan ng tubig ang lahat ng mga kalat na paputok sa kalsada upang maiwasan na walang maaksidente ng mga hindi pa sumasabog na paputok.
Sa rekord ng BFP, magmula Enero hanggang Oktubre ngayong taon ay umaabot na sa 7,876 ang naitatalang insidente ng sunog sa buong bansa kung saan ang pangunahing mga dahilan ay depektibong electrical wiring, short circuit at pag-overheat ng mga kasangkapan. (Danilo Garcia)