Posibleng hindi mag karoon ng positibong resulta ang nakatakdang pag-uusap ng Sumilao farmers at ni Pangulong Arroyo ngayon matapos ibunyag ng isang negosyante na hindi totoong biktima ng palpak na land reform program ng gobyerno ang mga nagpo-protestang magsasaka.
Ayon kay Jess Aranza, pangulo ng Federation of Philippine Industries (FPI), tumanggap na ng 65 ektaryang lupa mula sa Salvador Carlos Estate, Sumilao, ang mga magsasaka ayon sa itinatakda ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL).
“Ang lupang ibinigay sa kanila sa ilalim ng CARL ay pag-aari ng kapatid ni FPI chairman Menelos Carlos kaya mali naman siguro na pati lupang hindi naman nararapat sa kanila ay ibigay pa rin sa kanila,” ani Aranza.
Aniya, ang patuloy na kontrobersiya sa Sumilao ay bumabawas sa interes ng mga negosyante na maglagak ng puhunan sa mga malalayong lugar at probinsiya sa bansa. “Nawawalan ng gana ang aming mga miyembro na mamuhunan sa mga probinsiya dahil sa isyung ito.”
Idinagdag nito na gumawa sila ng pagsisiyasat dahil nasa sentro ng kontrobersiya ang San Miguel Foods Inc. (SMFI), na isa sa mga miyembro ng FPI. Ang SMFI ay bahagi din ng San Miguel Corporation.
Noong nakaraang ling go ay dumating sa Metro Manila ang mahigit 50 magsasaka mula Sumilao matapos ang mahigit dalawang buwang martsa upang ipaabot sa gobyerno ang kanilang hinaing na ibigay sa kanila ang pag-aari sa 144 ektaryang lupain ng pamilya ni Norberto Quisumbing na nabili ng SMFI sa pamilya noong 2002.
Bago ang transaksyon, idineklara ng Korte Suprema na hindi lehitimong claimant ang mga nagpoprotestang magsasaka at ang lupain ay hindi sakop ng CARL. Balak ng SMFI na maglagak ng P2.4 bilyon upang ma-develop ang lugar sa isang modernong ‘feedmill complex.’
Hinihinala rin ng FPI na posibleng mga lokal na sindikato sa Bukidnon na may kontrol sa bilihan ng mais sa naturang lugar ang tunay na nasa likod ng kilos protesta upang mapanatili ang kanilang monopolyo sa naturang negosyo.
Bahagi ng ‘business strategy ng SMC ang pagtaas sa pagbili ng presyo ng mais sa P10/kg, mula P3/kg. na ayon kay Aranza ay tiyak na sisira sa umiiral ng monopolyo ng ilang ‘vested interest’ sa Bukidnon.
Binatikos din ni Aranza ang ilang grupo ng kaparian sa Bukidnon na ‘nagbuyo’ rin umano sa mga magsasaka na maglunsad ng protest march patungong Malacañang. (Rudy Andal)