Sinampahan na kahapon ng kasong perjury sa Manila Prosecutors Office ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong pangunahing suspect sa Batasan bombing na sina dating Tuburan, Basilan Mayor Hajarun Usman Jamiri, Khaidar Awnal at Adham Kusain.
Ang hakbang ayon kay Supt. Joaquin Alba ng PNP-CIDG-National Capital Region ay matapos bawiin ng mga suspect ang kanilang testimonya at sinabing tinorture lamang umano sila ng mga pulis kaya napilitang isangkot at iturong utak sa krimen sina dating Mindanao Deputy Speaker Gerry Salapuddin at ang magkapatid na Anak-Mindanao partylist Rep. Mujiv Hataman at Benjamin “Jang “ Hataman.
Nabatid na matapos payagang makapagpiyansa ng husgado ng P80,000 si Jamiri sa pamamagitan ng kanyang abogado ay binawi nito ang mga naging pahayag na nagdadawit kina Salapuddin at Hataman brothers bilang mastermind.
Ipinakita ni Jamiri ang mga litrato na siya ay pinahirapan habang nakapiit sa detention cell sa PNP-CIDG headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.
Sinabi naman nina Awnal at Kusain na pinuwersa umano silang gumawa ng salaysay na sumusuporta sa naging pahayag ni Jamiri na nagsasangkot kina Salapuddin at Hataman bilang utak ng pambobomba sa Batasan at binantaan na sasaktan kapag hindi nilagdaan ang salaysay. (Joy Cantos)