Malaki umano ang pag-asa na makalusot sa bitay ang Pinay domestic helper na si Marilou Ranario.
Inihayag ni Philippine Ambassador to Kuwait Eric Endaya na nananalig ang pamahalaan na magiging positibo ang gagawing pag-apela ni Pangulong Arroyo kay Kuwait Emir Sheik Sabah Al-Ahamad Al-Jaber Al-Sabah para sa executive clemency ni Ranario, 33.
Ngayong araw, sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng umaga itinakda ang pakikipag-usap ni Pangulong Arroyo sa Emir ng Kuwait para iapela ang pagpapababa sa hatol kay Ranario kung di man ito maisalba sa bitay.
Inaasahang darating ang Pangulo sa Kuwait alas-10 ng umaga ngayong araw matapos nitong putulin ang biyahe sa London para sa pag-asang maisalba ang buhay ni Ranario. Apat na oras makikipag-usap si PGMA sa Emir.
Itinuturing rin ng gobyerno na magandang senyales ang magarbong pagsalubong ng Emir ng Kuwait kay Pangulong Arroyo ngayong umaga dahilan alam na ng nasabing opisyal na ang sadya ng pamahalaan ay ang ma-commute sa bitay si Ranario.
Kabilang umano sa posibleng batayan ng pagpapababa ng hatol hanggang habambuhay na pagkabilanggo bilang parusa kay Ranario ay ang pagpapatawad na rito ng ina at tatlong kapatid ng biktima.
Samantala, walang nalalaman si Marilou na pinagtibay ng Court of Cassation sa Kuwait ang hatol na bitay sa kanya matapos mapatay ang kanyang lady employer noong 2005.
Sinabi ni Sec. Endaya, batay sa batas ng Kuwait, maaari lamang ipaalam kay Ranario ang hatol sa kanya isang linggo bago igawad ang bitay laban sa nasabing Pinay DH.
Magugunita na pinagtibay ng Kuwaiti Court of Cassation ang hatol na bitay kay Ranario matapos nitong mapatay sa saksak sanhi ng kalupitan at di pagpapasuweldo ang kaniyang lady employer na si Mahmoud Faraj Al Mubarak noong Enero 11, 2005.
Hiniling naman kahapon ng Malacañang sa mga Filipino na ipagdasal na maging matagumpay ang pakikipag-usap ni Pangulong Arroyo sa Emir ng Kuwait.
“Nananawagan tayo sa sambayanang Pilipino, in the name of the safety, in the name of salvation ng ating kababayang si Marilou, let us unite in prayer para magtagumpay si Pangulong Gloria sa pag-save kay Ranario sa kanyang pakikipagpulong sa Emir ng Kuwait,” pahayag ni Presidential Management Staff chief Cerge Remonde.