Nadakip na ang isa sa apat na pumugang miyembro ng Magdalo Group na sangkot sa Peninsula standoff habang pasakay ng eroplano patungong Estados Unidos, kahapon ng madaling araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Si Marine Pfc. Alvin Celestino, kasapi ng AFP-Civil Relations Group ay naaresto bandang alas-4 ng madaling araw ng mga elemento ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG).
“Nahuli siya sa NAIA while attempting to leave for Detroit,” ani PNP Chief Director Gen. Avelino Razon Jr.
Nakuha mula sa pag-iingat ni Celestino ang ticket ng Northwest Airlines at working visa nito para sa nasabing bansa.
Sinabi ni Razon, base sa report ni Chief Supt. Atillano Morada, director ng PNP-ASG, pinigil at inaresto nila si Celestino habang nasa process claim counter ng walang maipakitang travel authority at walang maipakitang order o katibayan na tanggal na ito sa serbisyo para makapagbiyahe at magtrabaho sa ibang bansa.
Batay sa nakuhang dokumento mula kay Celestino, napag-alaman na may dala itong US working visa na may petsang Nobyembre 27, dalawang araw bago ang naganap na Makati stand-off.
Nabatid na itinip ng AFP-Civil Relations Service (CRS) sa airport security personnel na may planong tumakas ng bansa si Celestino. Hiniling ng CRS sa PNP-Aviation na harangin ito sakaling maispatan sa paliparan.
Nakatakda sanang magtrabaho si Celestino sa Washington, DC bilang lifeguard at may dala rin itong mga dokumento mula sa pinag-aplayan niyang recruitment agency.
Unang naispatan ng mga tauhan ng ASG si Celestino habang pa pasok ito sa NAIA sakay ng puting Mazda at madali siyang nakilala dahil na rin sa mga ipinakalat na litrato ng PNP laban sa mga puganteng Magdalo na sangkot sa Manila Pen siege.
Magugunita na nagpalabas ng hold departure order ang Bureau of Immigration and Deportation (BID) laban sa lahat ng mga rebeldeng sundalo at personalidad na sangkot sa Peninsula siege.
Kagabi ay sinampahan na ng reklamong rebelyon si Celestino kaugnay ng kanyang papel sa Peninsula standoff matapos sumailalim sa inquest proceedings ng Department of Justice (DOJ).
Kabilang pa sa mga pinaghahanap sina Marine Captain Nicanor Faeldon,Technical Sgt. Elmer Colon at Sgt. Sonny Madarang. Naniniwala naman si Gen. Razon na hindi pa nakakalabas ng bansa at pinaniniwalaang nagtatago lamang sa Metro Manila si Faeldon.