Ipatatawag ng Commission on Elections (Comelec) si Philippine National Police-Autonomous Region for Muslim Mindanao Provincial Director, Chief Supt. Joel Goltiao upang magpali wanag sa patuloy na pagkabigo nito na madakip si dating Maguindanao provincial election supervisor (PES) Atty. Lintang Bedol.
Batay sa dalawang pahinang resolusyon na ipinalabas ng Comelec en banc, inaatasan nito si Goltiao na humarap sa tanggapan ng Comelec en banc at magpaliwanag hinggil sa isyu.
Alinsunod sa Comelec Resolution No. 8376 na inaprubahan ng Comelec en banc noong Nobyembre 29, 2007, pinagsusumite rin nito ng ulat si Goltiao upang mabatid kung anu-anong hakbang ang isinagawa nito hinggil sa Minute Resolution No. 07-1752 na kanilang ipinalabas noong Oktubre 30, 2007 na may kaugnayan sa pagsisilbi ng Warrant of Arrest na kanilang inisyu laban kay Bedol.
Nais ding malaman ng Comelec kung kaagad bang naisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest sa loob ng 24 oras matapos na matanggap nila ito.
Itinakda ng Comelec ang pagtungo ni Goltiao sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros, Maynila sa Disyembre 11, 2007, dakong alas-10 ng umaga.
Una nang nagpalabas ng warrant of arrest ang Comelec para sa agarang pagkakadakip ni Bedol dahil sa kasong indirect contempt ngunit bigo naman ang PNP na madakip ito. (Doris Franche)