Iniakyat na sa Korte Suprema nina Iloilo Vice Governor Rolex Suplico at iba pang oposisyon kahapon ang usapin sa ginawang pagbasura sa impeachment complaint na iniharap laban kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr.
Batay sa 27-pahinang petition for certiorari, hiniling ng mga petisyuner na ipawalang-bisa ng Mataas na Hukuman ang ginawa ng Office of the Secretary General ng the House of Representatives na nagdeklarang moot and academic na ang impeachment complaint at nagbasura sa kanilang inihaing supplemental complaint laban kay Arroyo at Abalos.
Bukod kay Suplico, kabilang din sa mga petisyuner sina Harry Roque, dating press secretary Angelito Banayo, Dr. Ma. Dominga Adilla, Fr. Jose Dizon, Manuel Aviera at Roel Garcia.
Kinuwestiyon nila si House Secretary-General Roberto Nazareno dahil wala umano itong kapangyarihan para aksiyunan ang kanilang petisyon o tumanggap ng petisyon at magdesisyong idismis ang supplemental complaint. (Ludy Bermudo)