Ibinunyag ng environmentalist group na Green peace International na kontaminado ng nitrate pollution ang inuming tubig sa mga pangunahing agrikultural na lugar sa bansa .
Batay ito sa resulta ng pag aaral ng Greenpeace Water Patrol sa nitrate levels sa inuming tubig at ang pagkaka-ugnay nito sa nitrogen fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim.
Bunsod nito, nanawagan ang Greenpeace sa pamahalaan na agad aksiyonan ang bagay na ito para maprotektahan ang maraming mamamayan mula sa pag inom ng tubig na kontaminado ng nakalalasong nitrate.
Sinabi ni Daniel Ocampo ng Greenpeace na nadiskubre nila ito sa mga bukiring ginagamitan ng fertilizer sa kanilang pananim.
Hindi anila malalaman ng mga tao dito na may nitrate ang naiinom nilang tubig dahil wala itong masamang amoy at walang kakaibang kulay pero ang hindi nila alam, ang iniinom nilang tubig ay may lason ng nitrate.
Kabilang umano ang Benguet at Bulacan sa mga lugar na kontaminado ng nitrate ang inuming tubig.
Sa pag aaral, lima sa 18 artesian wells sa Benguet at Bulacan ay may nitrates level.
Maaari anyang magkaroon ng cancer sa digestive tract gayundin ng ovarian cancer, bladder at lymphoma ang mga taong nakakainom ng tubig na may nitrate gayundin ay ang pagkakaroon ng ‘blue baby syndrome’ o methemoglobinemia ang sakit na tumatama sa mga bata na umiinom ng tubig na kontaminado ng nitrate.
Ang Blue-baby syndrome ay maaaring kakitaan ng cyanosis, headache, stupor, fatigue, tachycardia, coma, convulsions, asphyxia na maaari nitong ikamatay. (Angie dela Cruz)