Naghugas-kamay kahapon ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Servi-ces Administration (PAGASA) at Department of Science and Technology (DOST) na hindi sila palpak sa prediksyon ng landfall ng malakas na bagyong Mina na hahagupit sa bansa. Sa isinagawang press briefing sa tanggapan ng National Disaster Coor-dinating Council (NDCC) sa Camp Aguinaldo, idinepensa ni DOST Secretary Estrella Alabastro na pabagu-bago talaga ang direksyon ng bagyo at hindi permanente ang pagkilos o lugar na posible nitong tamaan.
Ayon pa kay Alabastro, ng mamonitor nila dakong alas–4 ng madaling araw nitong Sabado na nagbago na ang tinatahak na lugar na tatamaan ng bagyong Mina ay agad nilang inalerto ang mga lokal na opisyal ng mga lalawigan at rehiyong pinupuntirya ni Mina para maghanda sa paglilikas ng mga residente.
Una rito, inihayag ng US Navy na ang lugar na tatamaan ng bagyo base sa monitoring nila sa kanilang mga modernong radar ay ang Aurora-Isabela o ang mga lugar sa hi lagang silangan ng Luzon.
Sinabi naman ni PAG ASA Director Prisco Nilo na nagbago na ng direksyon ang bagyong Mina na sa halip na Bicol Region ang direktang tatamaan ay sa Aurora at Isabela na ang landfall nito sa Linggo ng gabi.
Nilinaw pa ng mga opisyal na noong una pa man ay may dalawang senaryo na ang kanilang prediksyon sa lugar na tatamaan ng bagyo, una ay Bicol Region at ikalawa ay ang posibilidad na lumihis ito at sa Aurora – Isabela area tumama.
Iginiit pa ng mga ito na sa kasalukuyan epektibo pa rin ang kanilang radar equipment na gawa sa US at Japan para gamitin sa pagmomonitor ng bagyo. (Joy Cantos)